Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi siya nakialam sa kaso ng kaniyang anak na si Juanito Jose Remulla III, lalo na sa pagkakaabswelto nito sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay Remulla, ginagalang niya ang proseso ng hudikatura ng bansa at wala rin aniya siyang balak bweltahan ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa ng operasyon para maaresto ang kaniyang anak.
Nauuwaan din ng kalihim na hindi maiiwasan magkaroon ng kritiko sa pagkakaabswelto ng kaniyang anak sa kasong possession of illegal drugs o 900 grams na high grade marijuana na nagkakahalagang P1.3 million.
Umaasa naman si Remulla na matatapos na ang kalbaryong ito sa buhay ng kanilang pamilya at sana’y hindi aniya ito mangyari sa ibang tao.
Tuloy lamang aniya ang buhay at inaasahan niyang sa mga susunod na linggo magkakausap na sila ng kaniyang anak.