Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may magiging malaking “breakthrough” sa kaso ng 34 na nawawalang sabungero sa susunod na sampung araw.
Bagama’t aminado si Remulla na mahirap ang pangangalap ng ebidensiya at ang agarang pagtukoy sa posibleng mastermind sa krimen ay mayroon na aniya silang inaasahang “significant” na “breakthrough” sa kaso ng mga ito.
Nitong Biyernes, muling nakipagpulong kay Remulla ang mga kaanak ng 34 na nawawalang sabungero.
Isa sa mga napag-usapan ang naunang pahayag ni Remulla nang sabihin nitong posibleng mga patay na ang pinaghahanap na sabungero na ikinasama ng loob ng mga pamilyang naghahanap ng kanilang nawawalang kaanak.
Sa Martes, ihahain na ang kaso laban sa mga posibleng nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Dagdag pa ni Remulla, iniiwasan nila ang pagkakaroon ng kalituhan sa paghawak sa kaso.
May mga bagong development din aniya sa kaso at kabilang dito ang mga bagong testimonya ng mga posibleng testigo.
Pero sa ngayon, sinabi ni Remulla na hindi pa kayang ituro ng mga hawak na ebidensiya ang posibleng mastermind sa krimen.