Hindi kailangang tumugon ng gobyerno ng Pilipinas sa naging pahayag kamakailan ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan.
Matatandaang sinabi ni Khan na walang merito ang mga argumento ng Pilipinas na hindi na dapat ituloy ang imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte dahil sa “lack of jurisdiction, admissibility at complementarity.”
Muli rin niyang hiniling na ituloy ang imbestigasyon dahil sa kabiguan ng gobyerno ng Pilipinas na ipakita na ang ginawa nitong imbestigasyon ay sapat at sumasalamin sa ginagawa ng ICC.
Dahil dito ay kinastigo ni Justice Secretary Jesus “Crispin” Boying Remulla ang ICC at iginiit na hindi na tayo miyembro nito kaya hindi ito maaaring magkaroon ng compulsory process o manghimasok pa sa ating bansa.
Dagdag niya, 88 na araw pa lamang sila sa DOJ kaya hindi dapat asahan ng ICC na maibibigay nila agad-agad ang lahat ng hinihingi nitong impormasyon.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinang-ayunan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque si Remulla at iginiit na gumagana ang demokrasya sa Pilipinas.
Nilinaw rin ni Roque na maaari lamang masabi ng ICC na hindi gumagana ang justice system sa bansa kung walang kakayanan o ayaw talaga ng isang bansa na paganahin ito bagay na hindi naman aniya nangyayari sa Pilipinas.
“Hindi po natin ginawang substitute ang ICC sa lokal na hukuman. Ang ICC ay dapat na gumana lamang kung ang mga hukuman ay hindi gumagana o kaya ay may statute of immunity na talagang imposible na litisin ang isang tao sa isang domestic na hukuman,” paliwanag ni Roque.
“Talaga pong problema e may kabagalan ang sistema ng katarungan hindi lang sa Pilipinas kundi sa ICC mismo.”
Wag niyo kaming madaliin, ang importante, gumagana ang mga hukuman at alam mo dito sa Pilipinas kakaiba nga tayo dahil ang Supreme Court pa ang nanghimasok na at talagang ni-require ang PNP at executive na busisiin at buksan ang lahat ng kaso ng patayan na dulot nga ng drug war. So, hindi talaga dapat manghimasok ang ICC,” giit pa niya.
Sa kabila nito, tiniyak ni Roque na tumatalima naman ang Pilipinas sa mga hinihingi ng ICC partikular sa mga kasong nangyari noong miyembro pa ang bansa sa Rome Statute.