Tikom ang bibig ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa usapin ng pag-inhibit o pagbibitiw ng hukom na humahawak sa ikatlong drug case laban kay dating Senador Leila de Lima sa Muntinlupa RTC.
Ayon kay Remulla, hindi siya maaaring magbigay ng komento sa hakbang ng hukom na humawak sa ikatlong kaso ni De Lima.
Aniya, marahil ay personal ang desisyon ni Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa RTC Branch 256.
Naniniwala rin ang kalihim na nakaramdam ng pressure ang hukom matapos maglabas ng desisyon na ibinabasura nito ang petisyon na humihingi ng pahintulot sa hukuman na makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ng dating senadora.
Matatandaang na nauna nang nabasura ang dalawang kaso laban kay De Lima matapos bawiin ng mga witness ang kanilang testimonya.