Haharangin ng Department of Justice (DOJ) ang paglaya ni United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na sinintensyahan ng hanggang 10 taong pagkakakulong noong 2015 dahil sa pagpatay sa Pinay transgender na si Jennifer Laude noong 2014 sa Olongapo City.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kung ibinasura ng trial court na siyang naglabas ng release order ni Pemberton ang motion for reconsideration ng DOJ, ang Office of the Solicitor General na ang gagawa ng mga legal na hakbang para mapigilan ang paglaya ni Pemberton.
Binubuo pa aniya ng prosecutors ang motion for reconsideration kung saan isasama ang ilan sa mga jurisdictional issues kabilang ang kwestyunableng pagbilang sa Good Conduction Time Allowance (GCTA).
Batay sa GCTA computation ni Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Judge Roline Ginez Jabalde, si Pemberton ay nakapagsilbi ng 405 days sa kaniyang preventive imprisonment at 1,737 days sa kaniyang prison term.
Binigyan si Pemberton ng 260 days GCTA noong preventive imprisonment at 1,288 GCTA sa pagsisilbi ng kaniyang sintensya.
Sa kabuuan, nagsilbi sa kulungan si Pemberton ng 2,142 days at 1,548 days para sa GCTA.
Si Pemberton ay nakadetine sa Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) facility sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.