DOJ, tiniyak na walang taas-singil sa bill ng Manila Water customers hanggang katapusan ng 2022

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na papayagan lamang ang Manila Water na magtaaas ng singil sa 2023 sa ilalim ng bagong concession agreement.

Nabatid na natapos na ang renegotiations at nilagdaan na ng pamahalaan ang bagong kasunduan sa Manila Water kapalit ang 1997 agreement nito na naglalaman ng onerous provisions.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, walang water rate hike hanggang December 31, 2022 dahil kinokonsidera ang kasalukuyang sitwasyon.


Pagtitiyak ni Guevarra na ang revised water concession agreement ay beneficial sa mga consumers.

Kabilang sa mga bagong probisyon, sinabi ni Guevarra na ang water rates ay ibabase lamang sa two-thirds at hindi ang kabuoang consumer price index, at hindi na ibabatay sa foreign exchange rates.

Ang mahalagang feature ng bagong kasunduan ay ang pagtatanggal ng non-interference clause na pumipigil sa pamahalaan na magdikta sa water rates.

Dahil sa onerous provision sa mga naunang kasunduan, sinabi ni Guevarra na ang Manila Water at Maynilad ay nagawang idemanda ang pamahalaan para sa 11 billion pesos sa Permanent Court of Arbitration sa Singapore.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang bagong agreement ay nakabatay sa New Clark City Joint Venture Agreement ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Patunay aniya ito na iniisip ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipino.

Hindi na rin kailangang maging liable ang pamahalaan sa pagganap ng regulatory functions nito para protektahan ang mga consumers.

Ang corporate income tax ay hindi na rin pwedeng ipataw sa consumer.

Sa lalong madaling panahon ay sisimulan na rin ng gobyerno ang renegotiations nito sa Maynilad.

Facebook Comments