DOJ, tumangging isapubliko ang kanilang legal opinion sa kasunduan ng Philippine Red Cross at PhilHealth

Natapos na ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang review sa pinasok na Memorandum of Agreement (MOA) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, naipadala na nila sa PhilHealth ang kanilang legal opinion sa isyu.

Gayunman, tumanggi ang kalihim na isapubliko ang nilalaman ng kanilang legal opinion partikular sa mga probisyon sa MOA sa pagitan ng PhilHealth at Red Cross.


Sa halip, ipinauubaya na ni Secretary Guevarra sa PhilHealth ang pagsasapubliko nito.

Ang malinaw sa ngayon ay ang nauna nang kumpirmasyon ng Justice Department na kasama sa kanilang mga pinag-aralan ay ang mga detalye o validity ng MOA at kung ano ang posibleng liability ng PhilHealth sa Red Cross.

Nilinaw naman ni Guevarra na ang naging review ng DOJ ay labas na sa trabaho ng Task Force PhilHealth.

Una nang nag-request ang PhilHealth sa DOJ na maglabas ng legal opinion sa desisyon ng PRC na itigil ang pagsasagawa nito ng swab testing sa returning overseas Filipinos dahil sa halos isang bilyong pisong utang sa kanila ng PhilHealth.

Facebook Comments