Doktor na tinamaan ng COVID-19, emosyonal na ibinahagi ang pakikipaglaban sa sakit: ‘Hindi pa ako handang mamatay’

Dr. Grace Caras-Torres. Facebook photo

Hindi lingid sa kaalaman ng frontline health workers tulad ni Dr. Grace Caras-Torres ang panganib na kaakibat ng kanilang trabaho sa COVID-19 pandemic.

Ngunit nang malamang tinamaan ng pinangangambahang sakit, labis umano ang takot ng doktor na umaming hindi pa handang mamatay.

Sa isang Facebook post, nagpakilala si Caras-Torres, OB-Gynecologist sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City, bilang Patient 194 sa 501 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa sa araw na ito, Marso 24.


“Hindi ko akalaing tatamaan ako agad. Nagsisimula pa lang ang gyera nun, casualty na ako,” sabi niya.

Nakaranas ang doktor ng aniya’y kakaibang sakit ng ulo at katawan, paulit-ulit na lagnat, at kawalan ng gana sa pagkain na inakala niyang Chikugunya, o virus na mula sa kagat ng lamok.

“Saka lang nag-sink in sakin na posibleng Covid nga ito nung malaman kong may symptoms din yung kasama kong mag-opera ilang araw nang nakalipas,” kuwento niya.

Agad niya raw naisip ang na-expose na 4-taon-gulang niyang anak at mga magulang na parehong senior citizen, na sa kabutihang-palad ay hindi pa nakikitaan ng sintomas.

Nagdiwang ng ika-42 kaarawan si Caras-Torres nang naka-quarantine at tanging libangan lang ay social media.

Nabanggit niya rin na apat na kasamahan niya na ang namatay sa COVID-19, habang kasalukuyang naka-intubate ang iba pa.

Kung kailan naman inakala niyang gagaling na sa sakit, nakaranas naman umano siya ng pagtatae na base raw sa Wuhan ay simula ng paglala ng kondisyon.

“Ngayon lang ako natakot. Napaiyak ako. Hindi pa ako handang mamatay. Masamang damo ako, di ba? Kelangan pa ko ng anak ko. Sasabak pa ko sa gyera…” saad niya.

Hinimok din ni Caras-Torres ang publiko na kumustahin at bigyan ng lakas ng loob ang mga kaanak at kaibigang naka-quarantine o tulad niyang nakikipaglaban din sa sakit.

“Sana matapos na ito. Sana gumaling na kami. Sana wala nang mamatay,” hiling niya.

Facebook Comments