HIGHLANDS, Scotland – Binawian ng buhay ang 39-anyos na doktor matapos makipaglaban sa cancer na kanyang pinag-aaralan ng mahabang panahon.
Kumalat sa buong katawan ni Dr. Sharon Hutchison ang ‘melanoma’ o skin cancer na nagsimula lang umano sa tumubong nunal sa kanyang leeg.
Sa kwento ng mga kasamahan ni Dr. Hutchison sa Inverness Campus, matapos mapatunayan ang kanyang kondisyon, ginawa raw ng doktor ang lahat kabilang na ang pagsailalim sa dalawang uri ng therapy.
Gayon pa man, ang naturang sakit ay sinasabing agresibo kaya mabilis ding kumalat.
Ayon sa ulat, isang melanoma expert si Dr. Hutchison simula taong 2018 nang sumali ito sa research team sa University of the Highlands.
Nagtrabaho siya ng anim na taon sa isang radiopharmacy department sa Raigmore Hospital kung saan kabilang siya sa mga gumagawa ng lunas para sa mga cancer patients – at naging kasapi pa umano sa pagbuo ng melanoma drug treatments sa Glasgow University.
Isang dakilang kaibigan at maingat na researcher daw si Dr. Hutchison ayon kay Dr. Antonia Pritchard.
“She was very stoic. She faced it with immense strength. She was remarkable,” aniya.
Matapos sumailalim sa major operation, agad na bumalik sa trabaho ang doktor matapos ang isang linggong pamamahinga.
Dagdag niya, “She had a tremendous work ethic when it came to her research.”
Sa kabila raw ng karamdaman ay nanatili sa pagtatrabaho ang kaibigan hanggang sa pagsisimula ng Disyembre at inilaan ang nalalabing oras sa ospital kasama ang kanyang pamilya.