Nahaharap na ngayon sa kasong Online Libel ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 ang isang doktor sa mata dahil umano sa pagkakalat ng fake news tungkol sa COVID – 19 na nagdulot ng panic sa mga taga-Cebu City.
Kinilala ang doktor sa mata o optometrist na si Josephil Brian G. Consuelo at CJ Brian Consuelo ng Mandaue City.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig General Bernard Banac, natukoy ng Philippine National Police o PNP na si Doctor Consuelo ang author o nag-post sa Facebook na may isang pasyente sa University of Cebu Medical Center (UCMed) ang namatay dahil sa COVID- 19.
Nagsagawa aniya ng validation sa impormasyon ang PNP Anti-Cyber Crime Unit sa Central Visayas at natukoy na fake news ang post sa facebook ng doktor.
Dahil dito inaresto ito ng mga pulis nitong February 13, na ngayon ay nahaharap sa Online Libel.
Ang Online Libel case ay may parusang isang buwan hanggang anim na buwan na pagkakakulong at may multang mula 40,000 hanggang 200,000 pesos.
Sa ngayon mahigpit pa rin ang utos ni PNP Chief Gen Archie Francisco Gamboa na ituloy pa rin ng PNP Anti-Cyber Crime Unit o PNP ACG ang cyber patrol operations at monitoring sa lahat ng social media platforms para maaresto ang mga nagpapakalat ng fake news tungkol sa COVID-19.