DOLE at Q.C. PESO | Maghahandog ng jobs and opportunities for PWD’s ngayong Disyembre

May magandang pagkakataon na darating ngayong Disyembre para sa mga kababayan nating may kapansanan na nais magkaroon ng trabaho. Nakatakdang mamahagi ng trabaho ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga Persons With Disability o PWD ngayong ika-5 ng Disyembre sa Quezon City hall covered walk na magsisimula alas-8 ng umaga hanggang sa ika-3 ng hapon.

Sa report ni Quezon City PESO staff, G. Alex Macabulos, kay G. Carlo Abella, Quezon City PESO manager, gagawin ito ng DOLE bilang bahagi ng kanilang isang linggong pagdiriwang ng anibersaryo (Disyembre 3 – 8, 2018).

Sa naturang kaganapan, tinatayang nasa 40 mga kumpanya ang darating upang magbigay ng oportunidad sa mga PWD at makapagtrabaho ang mga ito sa iba’t ibang larangan gaya ng office-based jobs, brand ambassador o promodizer at maging sa mga trabahong nangangailangan ng skilled o non-skilled workers.


Magsasagawa din ng orientation ang TESDA at DTI para sa mga PWD na interesado sa mga programang iniaalok ng 2 ahensiya patungkol sa mga training skills at kabuhayan o enterprise. Ang naturang proyekto ay buhat sa pagtutulungan ng Rotary Club District 3830, DTI, TESDA, National Council on Disability Affairs at Quezon City LGU-PESO.

Samantala, sa text message na ipinadala ni Taguig City PESO Dir. Norman Mirabel, PDA, dumagsa naman ang mga aplikante sa kanilang tanggapan. Bunsod ito ng isinagawa nilang Job Fair doon kung saan bandang 10:30 pa lang ng umaga, umabot na sa 80 ang bilang ng mga aplikante na nagbakasaling matanggap sa trabahong alok ng may 30 kumpanya na naroon kanina.

Nagpatuloy hanggang sa ika-3 ng hapon ang naturang Job Fair sa tanggapan mismo ng Taguig City PESO. (Ka-RadyoMaN Ronnie Ramos)

Facebook Comments