DOLE, handang imbestigahan ang nag-viral na video ng isang service crew na nagbabahay-bahay para makabenta

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na pagmalasakitan ang kanilang mga manggagawa.

Ito ang reaksyon ng DOLE sa nag-viral na video sa social media kung saan makikita ang isang service crew ng sikat na food chain na nagbabahay-bahay para kumuha ng order.

Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, kung may ipagagawa sa empleyado na hindi sakop ng kaniyang trabaho ay dapat na may dagdag na benepisyo.


Sa nasabing video sinabi ng crew na layon nitong makatulong sa kanilang branch dahil mababa ang sales nito.

May quota rin anila silang P6,000 kada araw at ang gastos niya sa pamasahe ay galing sa sariling bulsa.

Sabi ni Laguesma, dapat sagutin ng employer ang lahat ng gastos kung bibigyan ng ganitong trabaho ang empleyado.

Handa namang mag-imbestiga ang DOLE patungkol sa isyu kung may maghahain ng reklamo

Samantala, sinabi naman ng naturang fast food chain na ipinatigil na nila ang aktibidad ng tindahan sa Davao at tiniyak na hindi natanggal sa trabaho ang nasabing crew.

Facebook Comments