Itinanggi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lumalabas na mga ulat na may 20,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na patungo sana sa Saudi Arabia ang na-stranded.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, fake news ang mga ipinapakalat na impormasyon kung saan hindi naman ganoon karami ang OFWs na hindi makaalis patungong Saudi Arabia.
Aniya, nasa 1,000 o 2,000 OFWs ang hindi pa nakakaalis papunta sa nasabing bansa.
Nabatid kasi na hindi pa rin nagbabago ang nauna nang desisyon ng DOLE na suspindehin ang pagpapadala ng OFWs sa mga bansa sa Middle East noong 2021.
Ito’y kasunod ng ulat na 11,000 Pilipino na nasa Middle East ang hindi pinasahod sa loob ng dalawang taon.
Sinabi pa ni Bello, epektibo pa rin ang deployment ban, pero para lamang ito sa mga bagong nag-a-apply dahil nais lamang nila na masiguro na ang OFWs ay hindi magiging biktima ng pekeng recruitment agencies.
Nangako naman si Bello na hindi siya magpapadala ng OFWs sa Middle East hangga’t hindi sila nababayaran kung saan nakatutok sila sa sitwasyon ng mga ito.