Manila, Philippines – Ikinatutuwa ng Department of Labor and Employment o DOLE na nabibigyan na ng pagkakataong makapagtrabaho sa pribadong sektor ang mga senior citizen at mga person with disabilities o PWDs.
Kasunod ito ng mga kumakalat sa social media na may lolo at lola, at PWDs na nagta-trabaho na sa fast food chains at mga restaurant sa Metro Manila, sa kabila ng kanilang edad at sitwasyon.
Pero pinaalalahanan ni Labor Assistant Secretary Benjo Benavidez ang mga employer hinggil sa labor standards, lalo na ang usapin sa patas ma sweldo at mga benepisyo na dapat ipagkaloob sa mga nagta-trabahong senior citizen at PWDs.
Ayon kay Benavidez, sa industriya ng fast food, kung ang manggagawa ay pasok sa 4-hour work scheme, dapat alinsunod ito sa minimum wage law at kung walong oras pataas ang trabaho, dapat matiyak na may katapat itong overtime pay.
Tiniyak naman ni Benavidez na may iba pang batas na poprotekta sa mga senior citizen at mga PWD gaya ng anti-age decimation law na mahigpit na nagbabawal sa mga employer na i-discriminate o maliitin ang sinuman nang dahil sa edad, kasarian o abilidad nito.