Iginiit ni Labor Secretary Benny Laguesma, hindi maaaring ipatupad ang inihihirit na accross the board wage increase ng ilang grupo ng mga manggagawa.
Sa Kapihan sa Manila Bay Media Forum, ipinaliwanag ni Laguesma, patuloy ang ginagawang pag-aaral ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs), upang masolusyunan ang hirit na taas-sweldo ng manggagawa.
Pero sinabi ni Laguesma, hindi maaari ang nais ng ilang grupo na dagdag sweldo sa lahat o sa buong bansa.
Aniya, sakaling itulak ang nasabing dagdag sweldo para sa lahat, maapektuhan nito ang maliliit na negosyo sa ilang rehiyon at siguradong mawawalan ng trabaho ang ilang empleyado.
Dagdag pa ni Laguesma, karamihan ng mga manggagawa na nasa small and medium sized enterprises (SMEs), walang binubuong unyon kaya’t isa ito sa kanilang mga pinoprotektahan.
Isa rin sa mga tatamaan kapag inihirit ang nasabing dagdag sweldo para sa lahat ang kasalukuyang Collective Bargaining Agreement (CBA), lalo na ang usapin ng increase kada taon.
Umaasa naman si Laguesma, ang proseso ay gugulong o uusad nang mahusay upang magkaron na ng pagpapalabas ng nararapat na wage order sa National Capital Region (NCR), Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas.