DOLE, nagbabala sa pagkuha ng mga menor de edad na kasambahay

Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na iligal ang pagkuha ng serbisyo ng mga menor de edad bilang mga kasambahay o domestic workers.

Ayon kay Director Karina Perida-Trayvilla ng DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Kasambahay Law ang pag-empleyo ng mga menor de edad o mga edad 15-anyos pababa dahil maituturing itong child labor at exploitation.

Batay sa October 2019 survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), sinabi ni National Wages and Productivity Commission (NWPC) Executive Director Criselda Sy na tinatayang 1,400,132 na domestic household workers sa bansa.


Sa naturang bilang, tinatayang 4 na porsyento o mahigit 40,000 sa mga ito ang mga menor de edad o 18-anyos pababa at 5,000 ang mas bata pa sa edad 15-anyos.

Ayon sa DOLE, lumalabas din sa datos na mataas ang insidente ng child domestic labor sa mga kababaihan na 95.2 percent o 4, 732 at 4.8 percent o 237 na mga lalaki.

Binigyang diin ng DOLE na sa ilalim ng Republic Act No. 10361 o Kasambahay Law, labag sa batas ang pagkuha ng mga kasambahay na may edad 15-anyos.

Sinabi ni Director Trayvilla na sinumang employer na mapatutunayang guilty sa pag-e-empleyo ng menor de edad na kasambahay ay maaring pagmultahin ng mula P10,000-₱40,000 at mahaharap ang employer sa kasong sibil at kriminal sa ilalim ng R.A 9231 o batas laban sa child labor.

Samantala, ipinaalala din ni Trayvilla sa mga employer ng mga kasambahay na dapat nilang irehistro ang mga ito sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Pag-IBIG bilang mga manggagawa sa formal sector.

Dapat ding ipagkaloob sa mga kasambahay ang 24-oras kada linggo na pahinga o day-off at dapat ay mayroong annual service incentive leave with pay.

Dagdag pa ni Trayvilla, mahalaga na mayroong kontrata ang mga employer at kanilang mga kasambahay para malinaw ang sakop ng kanilang trabaho at ang mga matatanggap nilang benepisyo.

Ayon sa DOLE, sa mga kasambahay na nakararanas ng pang-aabuso ay maaring mag-report sa pinakamalapit na DOLE regional offices sa ibat-ibang panig ng bansa o tumawag sa DOLE hotline 1349.

Facebook Comments