Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng guidelines para sa deployment ng Pilipinong manggagawa sa Japan.
Ito ay sa ilalim ng status of residence na “specified skilled worker”.
Sa ilalim ng Memorandum of Cooperation (MOC) na nilagdaan nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Japanese Justice Minister Takashi Yamashita, titiyakin nito ang secure recruitment at employment ng skilled workers ng Pilipinas at Japan.
Binanggit ng DOLE ang qualifications para sa specified skilled worker na papayagang makapagtrabato sa Japan sa loob ng limang taon ay sumusunod:
- Ang aplikante ay dapat nasa 18-taong gulang pataas.
- Dapat mapatunayan sa mga examination at iba pang evaluation na ang aplikante ay may skills at experience na kinakailangan para sa trabaho.
- Dapat mapatunayan sa mga examination at iba pang evaluation na ang aplikante ay marunong sa wikang Hapon.
- Ang aplikante ay mayroon dapat pasaporte na nasa anim na buwan nang valid bago ang petsa ng nakatakdang departure.
Ang qualifications naman para sa specified skilled worker na papayagang makapagtrabaho sa Japan base sa renewal ng kanilang employment contract at extension ng pananatili ay sumusunod:
- Ang aplikante ay dapat nasa 18-taong gulang pataas.
- Dapat mapatunayan sa mga examination at iba pang evaluation na ang aplikante ay may skills at experience na kinakailangan para sa trabaho.
- Ang aplikante ay mayroon dapat pasaporte na nasa anim na buwan nang valid bago ang petsa ng nakatakdang departure.
Ipinaalala pa ng labor department na walang fee o anumang form ang ikokolekta mula sa specified skilled worker para sa kanilang selection at deployment sa Japan.