Naglabas ng panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) may kaugnayan sa usapin ng isolation at quarantine leaves ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa harap ng pandemya.
Sa labor advisory ng DOLE, hinihikayat ang mga employer na magpatupad ng isolation at quarantine leave program para sa mga empleyado.
Hinihimok din ang mga employer na magsagawa ng konsultasyon sa mga kawani, o kinatawan nito para magpatupad ng naaayong benepisyo habang sila ay nasa isolation o quarantine na hindi kasali sa umiiral na leave benefits sa ilalim ng polisiya ng kompanya, ng collective bargaining agreement (CBA) at iba pang labor laws.
Nakasaad din na ang paid, o bayad na isolation at quarantine leaves ay dapat walang pagkiling sa iba pang benepisyo na inilalaan ng Social Security System (SSS) at ng Employees Compensation Commission (ECC).