DOLE, Nagpaalala para sa Tamang Pasahod Ngayong Double Holiday Pay!

*Cauayan City, Isabela- *Makakatanggap ng dobleng sahod ngayong araw, ika-dalawampu’t isa ng Agosto ang sinumang manggagawa ng pribadong sector ang pumasok sa trabaho dahil sa parehong special non-working day bilang paggunita sa Ninoy Aquino Day at para sa regular na holiday ng Eid Al-Adha.

Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Erwin Aquino, ang Assistant Regional Director ng National Capital Region (NCR) na dating Assistant Regional Director ng DOLE Region 2, kung pumasok man ang isang manggagawa ng pribadong sector ay mayroon itong dobleng sahod at mayroon pang dagdag na tatlumpong porsiyento mula sa kanyang double pay.

Halimbawa umano dito sa ating probinsya, mula sa minimum wage na 340 ay makakatanggap na ng 680 ang isang pumasok na empleyado at may dagdag pa itong tatlumpong porsiyento mula sa kanyang double pay ganun rin sa kanyang overtime pay.


Kinikilala umano ng Labor law ang mga manggagawang nagtratrabaho sa tuwing holiday upang mabigyan ng karapatang bayad ang mga pumapasok at nagtratrabahong empleyado na dapat magpahinga ang mga ito.

Ayon pa kay Atty. Aquino, Patas lamang umano ang DOLE sa mga manggagawa at sa mga nagmamay-ari ng kumpanya kaya’t handa umano nilang parusahan ang sinumang lalabag sa tamang pagpapasahod para sa mga empleyado.

Dumulog lamang umano sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE kung mayroon mang reklamo upang maipagbigay alam kung hindi man nagbibigay ng tamang pasahod ang mga pinagtratrabahuang ahensya.

Samantala, nakasuporta lamang umano ang DOLE sa panukala na dagdagan ng isang buwan ang mga empleyado para sa kanilang 14th month pay dahil pabor umano sila sa mga benipisyo at makakabuti para sa mga manggagawa.

Facebook Comments