DOLE, nagpaalala sa employers na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa matapos ang elevator accident sa Makati

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang employers at mga kompanya na pairalin ang occupational safety at health standards sa kanilang mga tanggapan.

Ito ay matapos na masawi ang dalawang manggagawa nang maaksidente habang kinukumpuni ang passenger elevator sa Burgundy Tower sa Makati City.

Ayon kay Noel Binag, executive director ng Occupational Safety and Health Center ng DOLE, ang employers ang mananagot sakaling magkaroon ng aksidente sa kanilang workplace.


Aniya, sa ilalim ng Republic Act 1105 ay dapat tinitiyak ng employer o ng may-ari ng kompanya na ang kanilang workplaces ay ligtas para sa mga manggagawa at hindi sila nalalagay sa panganib.

Base aniya kasi sa inspections ng DOLE, natuklasan nila na may ilang kompanya ang kulang sa safety officers at walang safety at health committee.

Nagbabala pa ang Labor Department na ang sinumang lalabag sa occupational safety at health violations ay mahaharap sa multang ₱100,000 kada araw.

Facebook Comments