Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer ng tamang pasahod para sa mga manggagawang magtatrabaho sa mga holiday ngayong Abril.
Nabatid na regular holiday sa April 9, Araw ng Kagitingan; April 14, Huwebes Santo at April 15, Biyernes Santo.
Habang special non-working holiday naman sa April 16, Black Saturday.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, sa ilalim ng Labor Advisory No. 8, ang mga manggagawang papasok sa trabaho sa April 9, 14 at 15 ay babayaran ng double pay.
Sakaling mag-overtime, dagdag ito na 30% ng kanilang hourly rate.
Bukod sa 200% pay, makatatanggap din ng karagdagang 30% ang mga empleyadong magtatrabaho sa araw ng kanilang rest day.
Samantala, iiral naman ang “no work, no pay” sa mga empleyadong hindi papasok sa April 16 habang karagdagang 30% para sa mga magtatrabaho sa nasabing araw.