DOLE, pinag-iingat ang mga employer hinggil sa heat stress

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga trabahador na mag-ingat mula sa heat stress.

Paalala ng DOLE, sundin ang mga patakaran sa kalusugan upang maibsan ang epekto nito dahil na rin sa umiinit na lagay ng panahon dulot ng El Niño.

Muling ipinaalala ng DOLE ang Advisory No. 8, Series of 2023 na nagrerekomenda ng mga hakbang upang maiwasan ang heat stress kung saan inoobliga ang paglalagay ng sapat na bentilasyon at heat insulation sa lugar-paggawa; pagsasaayos ng oras ng pahinga o lokasyon ng trabaho; paggamit ng uniporme na angkop sa panahon kabilang ang personal protective equipment gayundin ang pagbibigay ng libre at sapat na inumin.


Inirerekomenda rin ang pagsasagawa ng advocacy campaign sa pagtukoy at pagtugon sa mga sintomas ng heat stress sa lugar-paggawa at pagtatatag ng mga pamamaraan at information network upang matugunan ang mga heat-related emergency.

Hinihimok din ang mga employer na magpatupad ng flexible work arrangement kung saan pinahihintulutan ang pagsasaayos ng oras ng trabaho pero dapat pananatilihin ang kabuuang bilang ng oras ng trabaho sa loob ng isang araw o linggo hanggang sa bumuti ang kondisyon ng panahon.

Facebook Comments