Agad na pagpapatibay sa panukala para sa mental health services sa SUCs, hiniling ng isang senador

Hiniling na rin sa Senado ang agad na pagpapatibay sa panukala para sa pagpapalakas ng mental health services sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa buong bansa.

Binigyang diin ni Senate Committee on Health Chairman Christopher “Bong” Go na kadalasang hindi napapansin na mayroon na palang mental health disorder ang isang indibidwal dahil hindi agad nababatid ang mga senyales at sintomas at ito ay naging malaking problema lalo sa mga estudyante.

Dahil dito ay isinusulong ni Go ang agad na pagsasabatas sa Senate Bill 2598 o ang SUCs Mental Health Services Act na pangunahing iniakda ni Senator Jinggoy Estrada.


Layon ng panukalang batas na magtatag ng Mental Health Offices sa bawat SUC campus para makapagbigay ng sapat na suporta at pag-alalay sa mga mag-aaral, faculty at school staff na nakakaranas ng mental health problems.

Batay rin sa pag-aaral, lumalabas aniya na 22.17% lang ng mga Pilipino ang sumasailalim sa formal psychological help at nakadagdag pa sa mababang bilang na ito ang kawalan ng agarang access sa mental health care.

Mahalaga aniya na magkaroon ng awareness campaign na tututok sa mga usapin ng suicide prevention, stress handling, mental health and nutrition, at guidance and counseling.

Facebook Comments