Naghihigpit ng ‘sinturon’ ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para mapalawig ang trabaho ng mga tinanggap na contact tracers sa harap ng banta ng COVID-19 Delta variant.
Ang contact tracers ay na-hire noong Abril sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, i-e-extend nila ang tenure ng 5,700 contact tracers sa loob ng dalawang buwan.
Nasa 200 milyong piso ang kakailanganing budget para rito.
“Malaking…kaltas sa ating budget pero syempre, napakahalaga ng trabaho ng mga contact tracers at kailangang kailangan talaga dito sa Metro Manila,” ani Bello.
Ang Metro Manila mayors aniya ay humiling sa DOLE na palawigin pa ng hanggang tatlong buwan ang tenure ng contact tracers.
Pero dahil mabibitin ang pondo ay hindi nila magagawang paabutin ito ng hanggang tatlong buwan.
Gayumpaman, kung kinakailangang gawin ito ay handa nilang palawigin ang tenure ng contact tracers.
Ang sahod ng bawat contact tracer ay ₱16,000 kada buwan.
Una nang naglaan ang DOLE ng ₱296 million para sa sahod ng mga naturang manggagawa.