Nagpalabas na ng holiday pay rules ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr sa Lunes, May 25, 2020.
Base sa guidelines na inilabas ng DOLE, ang mga empleyado na hindi papasok sa trabaho sa nasabing araw ay entitled pa rin sa 100% ng kanyang basic wage.
Habang ang mga papasok naman sa trabaho ay tatanggap ng 200% ng kaniyang sahod para sa unang walong oras.
Kasabay nito, pinayagan ng DOLE ang mga employer na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng holiday pay.
Ayon sa DOLE, may opsyon ang mga employer na pansamantalang i-antala ang pagbabayad ng holiday pay sa kanilang mga manggagawa hanggang humupa ang COVID-19 pandemic.
Gayunman, sa oras na makabalik na sa normal na operasyon ang establisyemento, kailangan nang ibigay ng employer sa manggagawa nito ang kaniyang 100% basic wage.
Ang Eid’l Fitr ay tatlong araw na ipinagdiriwang ng mga Muslim kung saan ginugugol nila ito ng pagdarasal, fasting at paghingi ng tawad sa kanilang mga kasalanan.