Tiniyak ng Labor Department na may pondo na muli ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Bunga nito, maipagpapatuloy na muli ang distribution ng financial aid sa mga apektadong manggagawa mula sa formal sector.
Partikular na makikinabang sa COVID Adjustment Measures Program o CAMP ang mga manggagawa sa formal sector na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Labor Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay na nai-download na nila sa kanilang mga regional offices ang nasa ₱150 milyon na pondo para sa naturang programa.
Nire-review na aniya ng DOLE ang mga aplikasyon ng mga benepisyaryo ng CAMP program na naubusan ng pondo sa unang bugso ng financial assistance sa ilalim ng Bayanihan 1.
Ayon kay Asec. Tutay, nasa ₱5,000 din ang matatanggap ng bawat benepisyaryo ng CAMP Program.
Una nang sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na 1.2 million workers mula sa formal sector ang inaasahang makikinabang sa naturang programa.
Target ng DOLE na matapos ang pamamahagi ng pondo para sa CAMP program hanggang sa December 19, 2020 alinsunod na rin sa isinasaad ng Bayanihan 2.