DOLE, umapela sa ilang malalaking kumpanya na patuloy na bigyan ng sahod ang kanilang manggagawa sa kabila ng umiiral na ECQ dahil sa COVID-19

Umapela si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga malalaking negosyo sa bansa na patuloy na pasuwelduhin ang kanilang mga manggagawa at empleyado kahit pa hindi sila nakakapasok ng trabaho.

Ito’y bunsod na rin sa extended community quarantine na ipinatupad ng pamahalaan sa Luzon dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ang panawagan ay ginawa ni Bello matapos na umakyat sa 1-million mark ang bilang ng mga displaced workers sa bansa.


Aniya, 98% ng halos 42,000 reporting establishments ay humihingi ng P5,000-one-time assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa ilalim ng Social Amelioration Scheme COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).

Dagdag pa ng opisyal, kung magagawa ito ng ilang malalaking kumpanya ay isang tulong na ito sa gobyerno sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Base sa ulat mula sa regional offices ng DOLE, may 1,048,649 manggagawa sa formal sector ang apektado ng temporary closures o kaya’y mayroong flexible work arrangements kung saan umaapela ang mga ito sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers Program-Barangay Ko, Bahay ko (TUPAD-BKBK) program.

Nabatid na ang pinakamataas na displacement ng mga manggagawa ay naitala sa Metro Manila na may 246,810 workers, kasunod ang Central Luzon (179,875 workers); Calabarzon (99,178); Davao Region (90,414) at Region 2 (75,189); Central Visayas (51,150); Cordillera Region (46,614), Region 10 (46,351) at Bicol Region (41,322).

Karamihan umano sa mga pinakaapektado ay na-displaced dahil sa pansamantalang pagsasara ng may 31,612 establisimyento na kinasasangkutan ng may 719,649 manggagawa, at 10,224 enterprises na nagpatupad naman ng flexible work arrangements, gaya ng pagbabawas ng araw ng pasok, pagkakaroon ng work rotation, pagpapatupad ng forced leave at pagtatrabaho sa bahay o work from home at telecommuting na nakaapekto sa may 366,404 manggagawa.

Karamihan rin umano sa mga naturang manggagawa ay mga nagtatrabaho sa manufacturing, hotel, restaurants at tourism-related sectors, at edukasyon.

Facebook Comments