Isinusulong ni AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin na mabigyan ng tulong ang domestic air carriers sa bansa.
Tinukoy ni Garin ang mahalagang papel ng air transport sector ng bansa sa ekonomiya at dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic ay nalalagay sa ‘existential threat’ ang libu-libong empleyado nito.
Sa House Bill 9324 o ‘Air Carriers Relief Act’ na inihain ng kongresista, ay bibigyan ng economic relief ang air transport sector sa pamamagitan ng pagpapalawig ng loan payments, pagkakaloob ng interest-free loans, loan guarantees, at regulatory reliefs.
Sinabi ng kongresista na sa kabila ng negatibong epekto ng mahabang lockdown sa operasyon ng airline companies ay patuloy pa rin ang mga ito sa pagbibigay suporta sa programa ng pamahalaan at sa pagbangon ng bansa partikular sa paghahatid ng OFWs at sa delivery ng mga medical equipment at logistics support sa vaccine rollout.
Nakapaloob din sa panukalang batas ang hindi muna pagsingil sa mga Philippine air carriers ng excise taxes sa bibilhing fuel sa loob ng dalawang taon.
Mangangailangan din ng P40 billion na alokasyon na ilalaan sa interest-free loans ng Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Guarantee Corporation (PGC) Special Guarantee Fund, regulatory fees, at mandatory rapid testing.