Donation drive para sa mga sinalanta ng bagyo, inilunsad ng Kamara

Naglunsad ang Mababang Kapulungan ng donation drive para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Quinta at Rolly.

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, ang fund drive ay boluntaryo at maaaring magbigay ng kahit magkanong halaga o donasyon ang mga kongresista.

Ilang kongresista na ang naunang nagbigay ng kontribusyon ng kanilang buong sweldo sa buwan ng Nobyembre.


Nito lamang Lunes ay sinimulan ng Kamara ang fund drive para sa mga biktima ng kalamidad kung saan nakalikom na sila ng ₱7 million na cash donations mula sa mga House members.

Gagamitin ang donasyon na ito na dagdag tulong para sa relief, rescue, recovery at rehabilitation sa maraming lugar sa Luzon at Visayas na hinagupit ng mga bagyo.

Sinabi naman ni Secretary General Jocelia Bighani Sipin na nagbigay na rin ng kautusan si Speaker Velasco para makaipon naman ng non-perishable items na ipapadala sa Bicol Region.

Naglagay na ng mga donation boxes sa North Wing, South Wing, Mitra Building at South Wing Annex at hinihikayat ang mga tanggapan sa Batasan Complex na magbigay ng donasyong toiletries, damit, canned goods at iba pang non-perishable items.

Facebook Comments