DOST, kinumpirmang mas maraming bansa ang nais na magsagawa ng clinical trial ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas

Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) na mas maraming bansa ang nakikipag-ugnayan sa pamahalaan para magsagawa ng clinical trial ng bakuna laban sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, anim na kompanya mula Russia, China, Australia, at Taipei ang may confidentiality data agreements (CDA) sa Pilipinas kung saan pinahihintulutan ang mga eksperto sa bansa na pag-aralan ang kanilang dinedevelop na bakuna kung ligtas na gamitin sa mga Pilipino.

Aniya, ang pagkuha ng mga makikiisa sa clinical trial ay magsisimula lamang kapag naglabas na ng alituntunin ang World Health Organization (WHO) sa susunod na buwan.


Sa kasalukuyan, 17 pharmaceutical companies at institusyon na aniya ang may bilateral agreement sa Pilipinas kaugnay ng COVID-19 vaccine.

Sinabi naman ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na sa Abril pa ng susunod ng taon posibleng magkaroon ng ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas.

Aniya, nakadepende kung kailan matatapos ang isinasagawang phase 3 clinical trial para sa petsa ng availability ng bakuna sa bansa.

Nagpaalala naman si Domingo na kailangan lang ma-secure ng vaccine developers ang lahat ng kinakailangang dokumento sa aplikasyon ng Certificate of Product Registration.

Facebook Comments