Patuloy ang Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) sa mga isinasagawa nitong iba’t ibang research at development projects laban sa COVID-19.
Ayon sa DOST-PCHRD, nagsasagawa ng clinical trials sa lagundi at tawa-tawa para malaman kung mabisa at ligtas ito sa mga pasyenteng mayroong mild COVID-19.
Patuloy ang screening at recruitment ng participants para sa lagundi clinical trials sa Quezon Institute at PNP-NCRPO quarantine centers.
Mula nitong October 30 ay nasa 75 pasyente ang naka-enroll para sa Stage 1 habang 59 na pasyente ang natapos na ang regimen.
Ang project team para sa clinical trials ng tawa-tawa ay nakikipag-coordinate sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, Philippine General Hospital at Quezon Institute Quarantine Center para sa initial patient sceening and enrollment.
Pinag-aaralan din ang paggamit ng laway bilang alternatibong clinical specimen sa pag-detect ng SARS-CoV-2.
Nasa ₱18 million ang inilaang pondo para sa limang-buwang proyekto na ipapatupad ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Nakakuha na rin ito ng ethics clearance mula sa RITM Institutional Review Board at kasalukuyang tinatalakay sa DOH-COVID Laboratory Experts Panel kaugnay sa posibleng duplication sa saliva study ng University of the Philippines (UP) Manila sa ilalim ng Philippine Red Cross.