DOST, pinaghahandaan na ang pagsisimula ng clinical trial ng Ivermectin

Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Undersecretary Eric Domingo na pinaghahandaan na ng Department of Science & Technology (DOST) ang pagsasagawa ng clinical trial sa bansa ng Ivermectin.

Ito ay makaraang ipag-utos nitong Huwebes, April 15, 2021 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOST at Department of Health (DOH) na pag aralan ang effectivity ng Ivermectin laban sa COVID-19.

Ayon kay Undersecretary Domingo, nais kasing malaman ni Pangulong Duterte kung nakakatulong nga ba talaga ang Ivermectin na labanan ang virus.


Una nang sinabi ng DOST na nakahanda silang tumalima kung ipag-uutos ng pamahalaan na magsagawa sila ng sariling pag-aaral hinggil sa Ivermectin.

Ang Ivermectin ay isang gamot para sa hayop na may parasitic disease kung saan kamakailan ay ginawaran ito ng FDA ng special permit for compassionate use.

Matatandaang sinabi na rin kamakailan ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na marami na ang isinagawang pag-aaral sa Pilipinas maging sa ibang bansa hinggil sa Ivermectin pero walang matibay na ebidensya na makapagpapatunay na pangontra sa COVID-19 ang Ivermectin.

Facebook Comments