Nagkasundo ang Department of Tourism (DOT) at Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng enhancement program sa airports at seaports sa bansa.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) na pasiglahin muli ang turismo sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa transport facilities.
Sa pagpupulong ng DOT at DOTr, iminungkahi ni Tourism Secretary Christina Frasco na maging pilot projects sa enhancement program ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 (NAIA-T2), Davao International Airport, at Cebu City Pier 1.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang papel ng mga paliparan at pantalan sa overall tourism experience at tourism value chain.
Nais ni Frasco na sumalamin sa “Filipino brand” ang airports at seaports.
Isa sa mga panukalang enhancement ay ang paglalagay ng interactive displays na magtatampok sa iba’t ibang artists at artisans.
Gayundin, ang installation ng uniform signages sa lahat ng air at seaports, at paggamit ng ilaw, backdrop, at furniture na tatak Pinoy.