DOT, dismayado sa overpricing sa seafoods sa Virgin Island sa Panglao, Bohol

Ikinadismaya ng Department of Tourism (DOT) ang napabalitang overpricing ng seafoods ng mga nagtitinda sa Virgin Island sa Panglao, Bohol.

Ayon kay DOT Secretary Christina Frasco, ito ay isang seryosong bagay lalo na’t may kinalaman sa kapakanan ng mga turista na patuloy na sumusuporta sa ating mga destinasyon para sa pagbangon ng tourism industry.

Nakikipag-ugnayan na ang DOT sa mga Local Government Unit (LGU) ng lalawigan ng Bohol at Panglao Municipality para sa agarang pagsisiyasat sa bagay na ito at makagawa ng mga regulasyon ukol dito.


Nakikipag-ugnayan din ang DOT sa Department of Trade and Industry (DTI) upang maipatupad ang tamang pamantayan sa presyo ng mga paninda sa isla upang proteksyunan ang mga consumer.

Nauunawaan aniya ng DOT ang kasalukuyang suliranin at hamon na kinakaharap ng maraming negosyo at establisyimento na may kinalaman sa turismo na unti-unting bumabawi sa mga pagkalugi dahil sa naunang ipinataw na mga paghihigpit sa paglalakbay.

Giit ni Frasco na ang turismo ay isang pinagsamang responsibilidad na dapat pinagtutulungan ng bawat isa at maalagaan ang mga turista upang matamasa ang mga benepisyong dulot ng turismo.

Facebook Comments