Hindi na natuto ang Department of Tourism (DOT).
Ito ang pahayag ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay hinggil sa kontrobersyal na campaign video na inilabas para sa bagong tourism slogan na “Love the Philippines” kung saan ang ilan sa mga kuha sa nasabing promotion ay hinugot lang sa isang stock footage ng isang video creation platform.
Ayon kay Binay, bigo ang dapat sana’y pasabog na kampanya ng DOT para sa ating turismo.
Aniya, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na sumabit at matinding binatikos ang DOT at mga tanggapan nito ng netizens dahil sa palpak na paglikha sa ilang mga promotions tulad ng hindi orihinal na logo, slogan, design at ngayon na video clips.
Dahil din sa nangyaring promotional anomaly ay posibleng maapektuhan ang desisyon ng mga turista na bumisita sa bansa at nagbigay rin ng pagdududa sa publiko ang anumang susunod na ilalabas na promotional material ng DOT.
Aniya, ang pinakamahalaga ngayon ay tiyakin na hindi titigil ang ahensya sa pag-promote sa ating bansa para sa turismo sa kabila ng nangyaring sagabal sabay hirit na baka pwede pang ibalik si “FUN” dahil sa problema ni “LOVE” sa ngayon.
Matatandaang mahigit sampung taon na tourism slogan ng bansa ang “It’s More Fun in the Philippines” bago ito napalitan ngayon ng “Love the Philippines”.
Kinalampag naman ni Binay ang DOT na dapat may mapanagot sa kapalpakan dahil pera ng taumbayan ang ginastos para mabayaran ang ad agency na siyang lumikha sa kontrobersyal na campaign video.