Nakikipag-ugnayan na ang Department of Tourism (DOT) sa mga awtoridad para i-validate ang ulat tungkol sa isang Returning Overseas Filipino (ROF) na pinayagang umalis sa isang hotel kahit hindi pa tapos ang kaniyang quarantine period.
Ito ay matapos kumalat ang Twitter post na isang babae na dumating sa bansa galing Amerika ang umiwas sa quarantine protocol at nakipag-party noong bisperas ng Pasko.
Ayon sa DOT, iniimbestigahan na nila ang hotel na tinuluyan ng ROF at pinadalhan na rin ng Notice to Explain (NTE), na nag-uutos sa establisyimento na isumite ang tugon nito sa loob ng tatlong araw.
Kasabay nito, pinaalalahanan naman ng DOT ang mga establisyimento na ang hindi pagsunod sa health and safety protocols ay maaaring humantong sa mga parusang kriminal ng may multa o pagkakakulong at parusang administratibo gaya ng pagsususpinde o pagbawi ng kanilang akreditasyon depende sa bigat ng pagkakasala.