Buo pa rin ang suporta ng Department of Tourism (DOT) sa fastfood chain na Jollibee sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap nito.
Nabatid na inireklamo ng isang netizen ang isang branch ng Jollibee dahil imbes na “Chickenjoy” ang natanggap nila, ay “fried towel” ang tumambad na ipinadalang order.
Sa kanyang social media accounts, nag-post si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ng kanyang picture na kasama ang isang Jollibee mascot na may caption na “Standing beside my bee!”
Sinabi pa ng kalihim na malaki ang ibinigay na suporta ng Jollibee sa food tourism ng Pilipinas at nagsulong ng kanilang kampanya na may katagang: “Eats more fun in the Philippines.”
Ang DOT ay nakipag-partner sa Jollibee sa paglulunsad ng food tourism campaign noong 2019 para mapalakas ang food tourism industry ng bansa.