Tuesday, February 3, 2026

DOT Sec. Frasco, nagisa sa pagdinig ng Senado

Sinita ni Senator Raffy Tulfo si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco tungkol sa mga larawan ng kalihim na makikita sa tourism marketing materials.

Sa joint hearing ng Committees on Tourism at Social Justice, sinabi ni Tulfo na may netizens ang nakipag-ugnayan sa kanya at napuna nila na sa halip na mga lugar sa Pilipinas ang i-promote ng Department of Tourism (DOT) ay puro mukha ng kalihim ang nakabalandra sa mga promotional materials.

Tinukoy ni Sen. Raffy ang magazine sa Japan, ang tarpaulin sa Boracay at promotional material sa Lake Sebu na puro mukha ng kalihim ang makikita sa halip na mga magagandang lugar sa bansa.

Katwiran ni Frasco, ginamit ng magazine na Philippine Topics sa Japan ang kanyang larawan nang walang pahintulot habang ang tarpaulin sa Boracay na may larawan niya ay “welcome sign” sana para sa launching ng isang PPP project na hindi niya na nadaluhan at ang isa pang larawan na bulaklakin ang kanyang suot na nakasakay sa bangka ay hindi naman aniya promotional material kundi coverage ng mga aktibidad ng DOT sa isang programa sa SOCCSKSARGEN region.

Sinabi pa ng kalihim na hindi siya tatakbo sa national position sa 2028 kaya walang rason para i-promote ang sarili.

Pumalag naman dito si Tulfo at iginiit na wala siyang sinasabing tatakbo sa eleksyon si Frasco.

Facebook Comments