Umapela ang dalawang ahensya ng gobyerno sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa pansamantalang suspensiyon ng kanilang No-Contact Apprehension Policy sa mga pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Paliwanag ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ito ay upang matugunan ng mas maraming public utility vehicles (PUV) ang pagbugso ng mga commuters sa Metro Manila.
Tiniyak naman ng MMDA sa DOTr na walang huhulihing PUV dahil wala pang inisyung certificates of public convenience (CPC) para sa mga rutang binuksan ngayong araw ng LTFRB.
Dagdag pa nito, exempted ang mga PUV sa Number Coding Scheme pero iginiit na hindi sila lusot sa paglabag sa batas-trapiko.
Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga public transport drivers at operators na sundin ang polisiyang nakasaad sa kanilang prangkisa at provisional authorities nito.
Unang inanunsyo ng LTFRB ang pagbubukas ng 133 rutang isinara noong pandemya na kinabibilangan ng 33 bus routes, 68 jeepney routes at 32 UV express routes.