DOTr at LTFRB, pinagagawan ng epektibong infomercial sa panganib na maaaring idulot ng pagsakay sa habal-habal

Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gumawa ng infomercial sa panganib na maaaring sapitin kapag sa habal-habal sumakay.

Ito’y matapos aminin ng ilang motorcycle riders na nagagawa nilang maghabal-habal para tumaas ang kita lalo’t nakabinbin pa rin ang batas na gawing legal na ang motorcycle taxis sa bansa.

Inirekomenda ni Poe sa LTFRB at sa DOTr na gumawa ng infomercial kung saan ipakikita rito na walang insurance ang pasahero kapag naaksidente na nauwi sa pagkasugat, pagkaospital o pagkasawi habang sakay ng habal-habal.


Sinang-ayunan naman ito ni Transportation Usec. Jesus Ferdinand Ortega at tiniyak niyang tutulungan ng ahensya ang LTFRB na makagawa ng isang epektibong infomercial.

Sinabi naman ni Poe na handa ang mataas na kapulungan na tulungan din ang dalawang ahensya at tiyak aniyang may mga kompanyang handang mag-volunteer at tumulong para maipakalat ang impormasyon.

Facebook Comments