DOTr at MMDA, gagawa ng ruta para sa mga city buses patungo sa interim terminals

Nakikipag-ugnayan na ang department of transportation o DOTr sa Metro Manila Development Authority o MMDA para pagplanuhan ang mga bagong ruta ng mga pampublikong bus.

 

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Mark De Leon, hiniling ng mmda na magkaroon mg bagong ruta para sa mga city at provincial buses kasama na dito ang extension ng kanilang biyahe papunta sa mga interim terminals sa Sta. Rosa, Laguna at Valenzuela City.

 

Sinabi pa ni De Leon na ngayon pa lamang ay gumagawa na sila ng paraan katuwang ang MMDA para mabawasan ang kalbaryo ng mga commuters.


 

Bukod dito, plano din nilang ayusin ang ruta ng mga UV express kung saan nais nila itong idugtong sa ruta ng mga bus.

 

Aminado naman si De Leon na wala pang eksaktong petsa kung kailan nila maiaayos ang mga bagong ruta maging ang mga terminal na gagamitin ng mga city at provincial bus.

 

Magkaganoon pa man, tuloy pa rin ang plano ng MMDA na ipatupad ang ban sa mga provincial bus terminal sa Edsa sa darating na hunyo at sa katunayan, magkakaroon sila ng dry run matapos ang mahal na araw.

Facebook Comments