Manila, Philippines – Ginisa ng husto ni Senator Grace Poe ang Department of Transportation o DOTr dahil sa nasayang na 526-million pesos na pera ng bayan dahil sa hindi mapakinabangang 48 na china-made Light Rail Vehicles o LRVs para sa Metro Rail Transit o MRT.
Sa plenary debates kaugnay sa P70.4 billion pesos na 2018 budget para sa DOTr ay iginiit ni Senator Poe na parang itinapon lang ang salaping ginamit sa pagbili ng nasabing trains sa Dalian Corporation.
Ang nabanggit na mga trains ay masayong mabigat kaya hindi akma sa riles ng MRT at karamihan ay wala ding signalling system.
Sabi naman ni Senator JV Ejercito na siyang nagdepensa ng DOTr budget, pinag-aaralan na ng legal department ng ahensya ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal na responsable sa pagbili ng nasabing mga Dalian trains.
Kinastigo din ni Senator Poe ang Busan Universal Rail Inc. o buri na bigong magampanan ng maayos ang pagiging maintenance provider ng MRT sa kabila ng P54.5 million pesos na bayad dito ng gobyerno.