Nagpasalamat ang Department of Transportation o DOTr sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga operator at driver ng EDSA Bus Carousel sa paghahatid ng dekalidad na serbisyo para sa mga commuter.
Ito ang inihayag ng DOTr kasunod ng pagsisimula ng 24/7 na libreng sakay sa EDSA Bus Carousel epektibo alas-11:00 kagabi na magtatagal hanggang Disyembre 31 o bisperas ng Bagong Taon.
Kasunod nito, hinikayat ng DOTr ang publiko na samantalahin ang magdamagang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Inaasahang nasa 100 public utility buses ang tatakbo sa EDSA Busway na bibiyahe mula Monumento sa Caloocan City patungong Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX.
Taong 2020 nang simulan ang Libreng Sakay sa EDSA Bus Carousel bilang bahagi ng Bayanihan to Recover as One Act na napalawig pa hanggang sa huling araw ng 2022 sa atas na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.