DOTr, kumpiyansang hindi mawawalan ng trabaho ang mga Pinoy seafarer sa Europe

Umaasa ang Department of Transportation na papasa ang Pilipinas sa audit ng European Maritime Safety Agency o EMSA.

Matatandaang sa isinagawang audit noong 2020, nakitaan ng EMSA ng 13 shortcomings at 23 grievances ang pag-aaral at pagsasanay ng mga marino sa Pilipinas.

Nangangahulugan ito na bigo ang bansa na makasunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).


Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, pinag-aaralan na ng European commission ang mga requirements at tugon ng gobyerno hinggil sa naging findings ng EMSA.

“Ito ay nire-review na ng European commission at sana naman ay 1makita nila yung mga ginawa namin, yung mga action plan na in-implement para hindi ma-derecognize yung lisensya ng ating mga seafarer,” ani Bautista sa interview ng DZXL.

“Although, alam mo ba, yung mga nakakausap namin na mga ship owner, sinasabi nila na in spite of yung pagkukulang natin sa requirements ng EMSA, dun sa actual experience nila ay magagaling daw ang mga Filipino seafarers,” pagmamalaki ng kalihim.

Nito lang Pebrero nang magtungo sa Europa ang ilang maritime official ng bansa upang iprisinta ang action plan ng gobyerno.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang DOTr at ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa Commission on Higher Education (CHED) para nakasusunod ang mga maritime training school sa curriculum na pasok sa standard ng EMSA.

Aabot sa 50,000 Pinoy seafarers ang nanganganib na hindi na makasakay ng mga barkong papunta sa European Union kung mabibigo ulit ang bansa na makasunod sa STCW.

Facebook Comments