DOTr, maglalaan ng P100.6 billion para sa railway projects

Manila, Philippines – Maglalaan ng P100.6 Billion ang Department of Transportation (DOTr) sa 2020 para sa konstruksyon, rehab at upgrade ng mga railways sa bansa.

Ayon kay House Committee on Appropriations Vice Chairman Luis Campos, limang beses na mas mataas ito kumpara sa P19.9 billion na alokasyon para ngayong taon.

Pinakamalaking paglalaanan ng pondo ay para sa North-South Commuter Railway System na may P84.8 billion.


Ang nasabing 147-kilometer na may 36-station elevated railway project ay magkokonekta sa Calamba, Laguna hanggang New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ang railway ay magdudugtong din sa Clark International Airport sa mga syudad sa Angeles at Mabalacat sa Pampanga.

Samantala, kabilang din sa P4.1 trillion national budget para sa susunod na taon ang P9.8 billion para sa Metro Manila Subway Project Phase 1; P5 billion para sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 Rehabilitation Project; P878 million para sa South Long-Haul Project na magdudugtong sa Metro Manila, Calabarzon at Bicol, P97 million sa Mindanao Railway Project at P74 million para naman sa LRT Line 1 Cavite Extension Project.

Facebook Comments