Titiyakin ng Department of Transportation (DOTr) ang full deployment ng mga pampublikong sasakyan sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Ito ang kinumpirma ni Department of Education (DepEd) Spokesperson Atty. Michael Poa sa press briefing ng kagawaran.
Ayon kay Poa, nangako ang DOTr sa kanilang inter-agency meeting na nasa 90% hanggang 100% na public utility vehicle (PUV) ang ide-deploy nito sa mga peak hours upang hindi magsiksikan ang mga mag-aaral kapag bumabiyahe.
Dagdag pa ni Poa, tiniyak din ng DOTr na mabibigyan ng 20% diskwento sa pasahe ang mga mag-aaral.
Samantala, target din ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na magbukas ng karagdagang ruta at maghanap ng private partners na magpapahiram din ng karagdagang bus upang makapagbigay ang Office of the Vice President (OVP) ng “libreng sakay” sa publiko.