DOTr, nanindigang kailangan ang emergency power para maresolba ang problema sa trapiko

Dinepensahan ng Department of Transportation (DOTr) ang panawagan nitong bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte para maibsan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na mas malawak at mas maraming proyekto ang magagawa kung may emergency power.

Aminado kasi ang ahensya na posibleng hindi matapos sa termino ni Pangulong Duterte ang lahat ng ginagawang solusyon ng gobyerno para maresolba ang problema sa trapiko.


Pero mas mababawasan aniya at mas mapapabilis ang pagtapos sa mga proyekto kung mabibigyan lang ng emergency power ang Pangulo.

Samantala, kagabi sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na siya hihingi ng emergency power at isisisi na lang ang traffic sa Metro Manila sa isang babaeng senador.

Nanindigan naman si Senadora Grace Poe na maaaring resolbahin ang problema sa trapiko kahit walang emergency power.

Facebook Comments