Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na makararating sa mga pamilihan ang mga produktong manggagaling sa mga pantalan.
Ito ay sa gitna ng pag-amin ni Transportation Undersecretary for Maritime Affairs Elmer Sarmiento na may kataasan na ang utilization rate sa mga pantalan sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Sarmiento na batay sa datos ng Philippine Ports Authority (PPA) ay nasa 75% ang utilization rate ng Manila International Container Terminal (MICT), habang 66% naman sa South Harbor.
Pero, kinumpirma pa rin ni Sarmiento na pasok pa rin ito sa mga pamantayan lalo’t pa na inaasahan ngayon ang mataas na bilang na mga pumapasok na produkto para sa holiday seasons.
Kaugnay nito, inihayag ni Sarmiento na target ng DOTr na magkaroon ng pagpupulong sa mga stakeholder lalo na sa mga trucker bago maglunsad ng isang transport summit upang matugunan ang isyu ng port congestion.