Manila, Philippines – Iniutos ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) sa Grab Philippines na babaan ang kanilang surge cap habang prinoproseso pa ang kanilang bagong transport network company players.
Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, hindi makatwiran ang double rate fare na ipinatutupad ng Grab sa tuwing mataas ang demand sa kanilang serbisyo o yung tinatawag na surge pricing.
Aminado naman si Leo Gonzales, tagapagsalita ng Grab na apektado sa naturang kautusan ang kanilang mga drivers.
Gayunman, susunod aniya sila sa fare rates na itinakda ng gobyerno.
Samantala, iniutos rin ng LTFRB sa Uber ang “cease and desist” sa kanilang operasyon bilang Transport Network Company (TNC) sa April 16.
Paliwanag ni Lizada, bagama’t naiintindihan nila ang sitwasyon ng Uber drivers ay mas makakabuting maresolba muna ang kanilang concern sa Philippine Competition Commission.