Napalitan na ng “downcasing” ang scheme o modus na ginagawa ng ilang mga ospital o health care providers sa mga myembro ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito ang naging babala ng PhilHealth sa pagharap sa pagdinig ng Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sa Kamara.
Kinumpirma ni PhilHealth Office of the Area Vice President for Area 1 Walter Bacareza, na bagama’t hindi pa talamak ay may mga naririnig na nga silang ganitong impormasyon na bagong modus ng ilang mga health care facilities.
Aniya, kung dati ay may “upcasing” kung saan may sabwatan sa pagitan ng doktor at pasilidad para ang simpleng sakit ay gawing malubha, ngayon naman ay “downcasing” o “under deduction” na ang ginagawa ng ilang ospital kung saan ang malalang sakit ay ginagawang simple lalo na pagdating sa COVID-19.
Ito ay dahil sa takot ng mga pagamutan na hindi mabayaran ng PhilHealth ang claims.
Iginiit naman ni PhilHealth Regional Vice President for Region 1 Dennis Adre, na ituring na “fraud” o panloloko ang ginagawang “downcasing” ng mga ospital at hinimok ang publiko partikular ang mga pasyenteng nakaranas nito na agad iulat ito sa PhilHealth.
Iminungkahi ni PhilHealth Executive Vice President at Chief Operating Officer Eli Dino Santos na sampahan ng kaso ang mga ospital o pasilidad na masasangkot sa “under deducting” ng mga benepisyo ng mga miyembro, gayundin ang kumukubra ng malaking halaga ng claims.